Lillian Gish
Amerikanong aktres (1893-1993) / From Wikipedia, the free encyclopedia
Si Lillian Diana Gish (Oktubre 14, 1893 – Pebrero 27, 1993) ay isang Amerikanong aktres, na itinuturing na isa sa mga pangunahing indibidwal ng maagang industriya ng pelikula sa Estados Unidos. Tinaguriang ang "Unang Ginang ng Pelikulang Amerikano",[lower-alpha 2] madalas siyang ihanay bilang isa sa mga pangunahing aktres ng panahon ng mga pelikulang tahimik.[1]
Lillian Gish | |
---|---|
Kapanganakan | 14 Oktubre 1893(1893-10-14) |
Kamatayan | 27 Pebrero 1993(1993-02-27) (edad 99) Lungsod ng New York, Estados Unidos |
Trabaho | Aktres[lower-alpha 1] |
Aktibong taon | 1902–1988 |
Magulang |
|
Kamag-anak | Dorothy Gish (kapatid) |
Pirma | |
Gumanap si Gish sa mga pelikula ng direktor na si D.W. Griffith noong dekada 1920s. Bagamat una siyang umarte sa pelikulang maiksi na An Unseen Enemy (1912), nakilala ang kanyang pangalan dahil sa pagganap niya sa The Birth of a Nation (1915). Umani rin siya ng mga papuri mula sa kritiko para sa kanyang pagganap sa Intolerance (1915) at Broken Blossoms (1919). Noong 1920, dinirek niya ang kanyang kapatid para sa pelikulang Remodelling Her Husband. Lumipat siya sa Metro-Goldwyn-Mayer noong 1925, at doon, binigyang-laya siya ng istudyo para sa mga pelikulang ginanapan niya, katulad ng La Bohème (1926) at sa The Wind (1928), ang pinakahuling niyang pag-arte sa isang pelikulang tahimik.
Umarte rin si Gish sa mga pelikulang may tunog pagsapit ng dekada 1930s, mula sa pelikulang One Romantic Night (1930). Gayunpaman, bihira na lang siyang umarte at bumalik sa teatro. Nakakuha siya ng isang nominasyon para sa Pinakamahusay na Pansuportang Aktres sa Gawad Academy para sa pelikulang Duel in the Sun (1946). Malaki rin ang kanyang mga pagganap para sa mga pelikulang Portrait of Jennie (1948), The Night of the Hunter (1955), A Wedding (1978) at Sweet Liberty (1986). Bukod sa pelikula at teatro, lumabas din siya sa mga teleserye sa telebisyon mula noong dekada 1950s. Huli siyang gumanap sa pelikulang The Whales of August (1987), kung saan nakatanggap siya ng mga papuri. Namatay siya noong 1993 dahil sa pagpalya ng puso, ilang buwan bago ang kanya sanang sentenaryo.
Itinuturing si Gish bilang isa sa mga prominenteng aktres noong panahon ng mga pelikulang tahimik. Ayon sa listahan ng American Film Institute, ika-17 siya sa pinakamahuhusay na aktres ng klasikal na pelikulang Amerikano.[2] Natanggap ni Gish ang isang honorary award mula sa Gawad Academy para sa kanyang mga kontribusyon sa industriya, at noong 1984, tinanggap niya ang Lifetime Achievement Award ng American Film Institute.