Pagdidistansiyang panlipunan
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang pagdidistansiyang panlipunan o pagdidistansiyang pisikal (Ingles: social distancing, physical distancing)[1][2][3] ay kalipunan ng mga di-parmasyutikong kilos ng pagpigil sa impeksiyon na nilayon upang ihinto o pabagalin ang pagkalat ng isang nakahahawang sakit sa pamamagitan ng pagpapanatili ng pisikal na distansiya sa pagitan ng mga tao at pagbabawas ng pagkakataon na makalapit ang mga tao sa isa't isa.[1][4] Sangkot dito ang pagpapanatili ng distansiya ng dalawang metro (anim na talampakan) mula sa ibang tao at pag-iiwas sa pagtitipun-tipon sa malalaking grupo.[5][6]
Sa pagbabawas ng probabilidad na makakapag-ugnay ang isang di-nahawahang tao sa isang nahawang tao, maaaring masugpo ang pagkalat ng sakit, na nagbubunga ng mas kaunting kamatayan.[1][4] Isinasama ang mga hakbang sa mabuting kalinisan ng palahingahan at paghuhugas ng kamay.[7][8] Noong pandemya ng COVID-19, iminungkahi ng Pandaigdigang Organisasyon sa Kalusugan (WHO) ang pagtukoy sa "pisikal" bilang alternatibo sa "panlipunan", bilang pagsunod sa palagay na distansiyang pisikal ang pumipigil sa pagkalat; mananatiling konektado ang mga tao sa iba sa pamamagitan ng teknolohiya.[1][2][9]
Upang magpabagal sa pagkalat ng mga nakahahawang sikat at makaiwas sa pagpapabigat sa sistemang pangkalusugan, lalo na tuwing pandemya, isinasagawa ang iilang hakbang ng pagdidistansiyang panlipunan. Kabilang dito ang pagsasara ng paaralan at opisina, pagbubukod, kuwarentena, paghahadlang sa paggalaw ng mga tao at pagkakansela ng mga pagtitipon.[4][10] Matagumpay na ipinatupad ang ganitong mga hakbang sa iilang nakaraang epidemya. Sa St. Louis, di-nagtagal pagkatapos matutop ang mga unang kaso ng trangkaso sa lungsod noong pandemya ng trangkaso ng 1918, ipinatupad ng mga awtoridad ang pagsasara ng mga paaralan, pagbabawal sa mga pagtitipun-tipon at iba pang hakbang ng pagdidistansiyang panlipunan. Hindi gaanong karami ang bilang ng namatay sa St. Louis kaysa sa Philadelphia, kung saan sa kabila ng pagkakaroon ng mga kaso ng trangkaso, ay pumayag sa pagpapatuloy ng parada at nagsagawa lamang ng pagdidistansiyang panlipunan pagkaraan ng dalawang linggo pagkatapos ng mga unang kaso.[11]
Pinakaepektibo ang pagdidistansiyang panlipunan kapag naipapasa ang impeksiyon sa pamamagitan ng mumunting patak (pag-ubo o pagbahing); direktang pisikal na kontak, kabilang ang pakikipagtalik; di-tuwirang pisikal na kontak (hal. paghawak sa kontaminadong bagay); o pagkalat sa hangin (kung nakabubuhay ang mikroorganismo sa hangin nang matagal na panahon).[12] Di-gaanong epektibo ang mga hakbang sa mga kaso kung saan ang pangunahing paraan ng transmisyon ay sa pamamagitan ng kontaminadong tubig o pagkain o ng mga bektor tulad ng lamok o iba pang mga insekto, at di-gaanong madalas, mula sa bawat tao.[13]
Maaaring kabilang sa mga disbentaha ng pagdidistansiyang panlipunan ang kalumbayan, bawas sa pagiging produktibo, at pagkawala ng mga iba pang benepisyo kaugnay sa pakikipag-ugnayan sa ibang tao.[14]