Banal na Tatlong Araw
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang Banal na Tatlong Araw o Banal na Tríduo ay ang tatlong araw sa Semana Santa na napakaloob sa pagsisimula ng liturhiya, sa gabi ng Huwebes Santo (bisperas ng Biyernes Santo) at nagtatapos sa panalangin ng gabi sa Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay, samakatuwid, ang tatlong-araw na panahon mula sa gabi ng Huwebes Santo (hindi kasama ang karamihan ng Huwebes) hanggang sa gabi ng Linggo ng muling pagkabuhay. Ito ay pag-alala sa pagpapakasakit, kamatayan, libing, at muling pagkabuhay ni Jesus, bilang gumanap ng papel sa mga kakaibang Ebanghelyo.
Sa banal na tatlong araw matapos ang Kuwaresma, ipinagdiriwang ng buong Simbahan ang pinakadakilang misteryo ng ating kaligtasan – ang pagpapakasakit, kamatayan at muling pagkabuhay ng ating Panginoon, ang kaganapang nagdulot ng ating kalayaan mula sa kasalanan at kamatayan, nagbigay-daan upang makapagkaisa tayo sa Diyos Ama at nagdulot na magkaroon ng Simbahang ikinasal kay Kristo sa krus. Ito ang pinakapuso ng ating pananampalataya, ang misteryo na nagbibigay-kahulugan sa ating pagka-Kristiyano at pagiging Simbahan. Ganito na lamang katindi at kabigat ang laman ng mga araw na ito kung kaya’t sa buong taon, ito ang pinakatangi at pinakadakilang mga araw. Ito na ang pinakapuso at pinakarurok ng taong-liturhikal. Sa pamamagitan ng pagdiriwang nito, sa mga ritwal at salita, nararanasan at nadadala natin sa kasalukuyan ang gawaing pagliligtas ng Panginoon. Nakiki-isa tayo kay Kristo, na siyang ulo ng Simbahan, sa kanyang ginawang pag-aalay ng kanyang sarili at muling pagkabuhay alang-alang sa atin. Sa pag-alala at pagsasa-ngayon natin ng kanyang gawaing kaligtasan sa liturhiya, nararanasan natin ang kaligtasang ito – kung paanong nang si Kristo’y namatay, ipinasa niya ang Espiritu sa kanyang Simbahan, tayong nagdiriwang nito ay nilulukuban din ng kanyang Espiritu.[1]