Neurotransmitter
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang neurotrasmitter ay mga kemikal na nagpapadala ng mga signal mula sa isang neuron sa ibang neuron. Ang neurotransmitter ay nakabalot sa isang besikulong sinaptiko na tinipon sa ilalim ng membrano sa presinaptikong bahagi ng isang sinapse, at inilabas sa synaptic cleft (pagitan ng axon at dendrite), kung saan sila kumakapit sa mga reseptor ng ibang neuron sa postsinaptikong bahagi ng sinapse nito. Ang pagkapit ng isang neurotransmitter sa pinadalhang neuron ang nagpapagana sa mga reseptor nito at ang uri ng reseptor na gagana ay depende sa neurotransmitter na ipinadala ng pinanggalingang neuron sa pinadalhang neuron. Halimbawa, kung ang neurotransmitter ng pinanggalingang neuron ay serotonin, ang reseptor na gagana sa pinadalhang neuron ang mga "serotonin receptor". Ang paglabas ng neurotransmitter ay karaniwang nangyayari pagkatapos dumating ang isang elektrikal na aksiyong potensiyal sa sinapse ng isang neuron. Ang mababang antas ng "baseline" na paglabas ng neurotrasmitter ay nangyayari rin nang walang stimulasyong elektrikal. Ang neurotransmitter ay nabubuo mula sa marami at simpleng prekursor(mga naunang kemikal na ginagamit sa paglikha ng bagong kemikal), tulad ng asidong amino na makukuha mula sa mga pagkain at nangangailangan lamang ng isang maliit na bilang ng mga hakbang upang mabuo ang neurotransmitter.