Tabernakulo
From Wikipedia, the free encyclopedia
Ang tabernakulo ay isang salitang nangangahulugang "pook na tirahan". Tumutukoy din ito sa isang natatanging kubol kung saan sinasamba ng mga Israelita ang Diyos, na nakaugalian ding tinatawag bilang Kubol ng Pagpupulong o Kubol ng Pagkikita, isang pook kung saan humaharap ang Diyos sa kanyang mga tao. Ginamit ng mga Israelita ang tabernakulo hanggang sa magtayo si David ng isang templo.[1][2] Isang sipi o kopya lamang ang tabernakulong itinatag sa mundo ng tunay na tabernakulong nasa kalangitan. Kaugnay ni Hesus, dahil sa kanyang sakripisyo, makakapasok na sa "makalangit na tabernakulo" ang lahat ng mga tagasunod ni Hesus, isang pook kung saan talagang makakaharap nila ang Diyos.[1] Kilala rin ito bilang Kubol ng Presensiya ng Panginoon. Nilalarawan ito sa kabanata 26 ng Aklat ng Eksodo sa Lumang Tipan ng Bibliya, kung saan sinasamba ng mga Israelita hanggang sa maitatag ni Haring David ang templo. Sa ibang pakahulugan, tumutukoy din ang tabernakulo sa mismong templo, sa taguan ng ostiya, at sa taguan ng isang estatwa o relikya. Sa larangan ng pagbabarko o nabigasyon, ito ang poste ng layag ng isang barko.[3] Sa salin sa Tagalog ng Bibliya ni Jose C. Abriol, tinawag ni Abriol ang tabernakulo bilang Ang Tirahan.[4] Kilala rin ito bilang Ang Tabernakulo ng Diyos[5] at Toldang Tipanan[6] Kubol na Tipanan.